Maraming beses nakakadaya ang isang tao, nakakaloko ika nga nila.
Kung minsan ako mismo, nagugulat sa sarili kong kakayahan o kakaibang katangian. Ilang beses nang hindi ko akalaing nagagawa ko pala ang isang bagay, pero madalas din naman, natatakot akong magpakitang-gilas.
Bakit? Dahil hindi ko alam na malalaman ko rin naman na aalamin ko rin pagdating nang pagkakataon ang kaalamang kailangang malaman.
Naintindihan niyo ba? Ako, arok na arok ko ang gusto kong sabihin, hindi dahil lubos ko itong naiintindihan o pinipilit kong intindihin, kung hindi dahil kaya nga nasabi ko ang sinabi ko ay dahil sa nag-aalab na damdamin ng balon ng pakiramdam.
Sa madaling salita, hindi mapigilan ang retorikang sa akin nagmumula, kaya nga retorika hindi ba?
Nasa kalooban ko ang maging mas dalubhasa sa buhay, ang maging mas mahusay sa kaalaman ng pang-araw-araw na pamumuhay. Kasama na diyan ang pakikitungo sa kapwa, sa di kakilala at mga dayuhang biglang sumisipot sa pinaka
di-inaasahang oras. Kung pagtutugma-tugmain mo ang sinasabi ko, ang ibig ko lamang ipahiwatig ay gusto kong maging mas mabuting tao, sa lahat at ano mang panahon at buwan ng taon.
Ikot-ikotin man akong parang turumpo, iisa lang naman ang babagsakan ko, lupa at lupa rin, kung may malapit na balon, maaring duon, o di kaya nama'y sa isang kalapit-batis. Sana naman ay pulutin pa rin ako ng kung sino mang naglalaro sa akin, kung sino mang nadudulutan ko ng ligaya. kung minsa'y pasakit.
Ang kagandahan at kahusayan ng pagiging isang hindi bihasa ay ang pagkakataong mapagyaman ang sarili sa patutunguhang perpeksyon o kabuoan. Tanging sa wangis lang ng pinaka sa lahat ng pinaka ang pangarap kong maabot. Ngunti hindi maaring habang ako ay nasa lupa.
Ano ang gagawin?
mananatiling bukas ang kaisipan upang matuto sa daigdig ng kaalaman. Sa buhay, sa pagsubok, sa litanya ng tagapamayo at kaaway, at sa araw araw na talastasan ng isang kabaro sa lipunan.
May dulot na ginto ang pagiging inutil...ito ay ang leksyong matutunan habang mangmang pa ang inosenteng makunat na isipan at puso.
May pilak sa baguio.
May puting buhangin sa boracay at bohol.
May dolyar sa guam.
May entablado sa ortigas.
May enchanted kingdom sa laguna.
May tindahan sa kanto.
May kapitbahay kaming matanda.
Kahit ano man ang sitwasyon at panahon.
pwede ka maging bihasa at eksperto
bagamat mangmang at tuyot ang isip.
halina't mangisda.
- HASANG
1 comment:
Ang alon daw mahirap mahuli....lumalayo, lumalapit....pero bakit ba natin kailangang ipagpilitang hulihin ito? ang mahalaga, namnamin ang pakiramdam ng dalampasigan. kahit naman ano ang mangyari, nariyan lang sila....bumubulong, humihikayat....at siguro'y hihinahon din sa tamang panahon....
mabuhay mahal kong kapatid sa uniberso ng mga makatang nagsusumiksik sa maluwag na mundo ng ka-blog-an. ;-)
Post a Comment